-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Niluwagan na ng Pamahalaan ng Hong Kong ang kanilang COVID-19 restrictions para sa mga turistang nais magtungo sa naturang lugar.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Marie Vilarde, aalisin na ng Hong Kong ang mandatory hotel quarantine at pagsailalim sa RT-PCR test para sa mga Foreign Nationals na papasok sa naturang bansa gayunman ay hinihikayat ang lahat na sumailalim sa seven days self test upang makatiyak pa ring walang sakit na COVID-19 ang magtutungo sa Hong Kong.

Ang seven days self test ay magsisimula sa unang araw na pananatili sa Hong Kong at ang mga resulta ay ilalagay sa talaan na isusumite sa Hong Kong government.

Ang mga posibleng magpositibo ay sasailalim sa hotel quarantine o home quarantine.

Ang pasya ng Hong Kong na pagluluwag sa kanilang mga health restriction ay pangunahing hakbang upang unti-unting bumangon ang kanilang ekonomiya bilang bahagi ng new normal.

Sa ngayon ay pinaiiral parin sa Hong Kong ang physical distancing sa mga enclosed spaces tulad ng mga restaurants at mahigpit pa ring minomonitor ng mga otoridad ang mga lumalabag na pinapatawan ng multa o binibigyan ng ticket.