-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpalabas ng opisyal na pahayag ang konsulada ng Pilipinas sa Hong Kong kaugnay sa mga kaganapan sa nasabing bansa lalo na sa nagpapatuloy na mga bayolenteng kilos protesta.

Ayon kay Consul General Raly L. Tejada, kahit nananatiling ligtas ang kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong, nakatutok pa rin sila sa sitwasyon ng mga ito.

Ito ay dahil na rin sa patuloy na lumalawak ang mga kilos protesta doon na nauuwi sa riot sa pagitan ng pro-democracy protesters at Hong Kong riot police.

Samantala, hinimok ni Tejada ang mga Pilipinong nasa Hong Kong na iwasan muna ang mga matataong lugar upang hindi maipit at madamay sa mga kilos proyesta at makipag-ugnayan naman sa kinauukulan kung may problema o gustong humingi ng tulong.

Sa ngayon puwede pa ring makapasok at makalabas sa Hong Kong ang mga OFW dahil nag-ooperate pa rin ang mga paliparan doon.

Subalit umaapela naman si Tejada sa mga turistang Pilipino na huwag na munang pumunta dahil hindi pa rin stable ang sitwasyon doon.