Iniulat ng Philippine Embassy sa Korea na walang Pilipinong napaulat na nasaktan sa pagbangga ng bus sa isang gusali sa Seoul nitong Biyernes ng hapon, Enero 16 na nag–iwan ng 13 kataong sugatan.
Sa inisyung advisory ng embahada, malugod na kinumpirma nitong walang mga Pilipinong nasugatan o apektado sa insidente.
Nakikupag-ugnayan na rin ang embahada sa Seodaemun police station kasunod ng insidente.
Base sa report mula sa local news channel sa Seoul, bumangga ang harapan ng isang pampasaherong bus sa glass facade ng isang malaking gusali. Kabilang sa 13 indibidwal na nasugatan ang bus driver at dalawang pedestrians.
Nagpaabot naman ang embahada ng simpatiya sa pamilya ng mga nasugatan sa insidente at para sa mabilis na paggaling ng mga nadamay sa insidente.
Hinihikayat naman ang mga miyembro ng Filipino community sa South Korea na manatiling mapagmatiyag partikular na kapag bumibiyahe.









