-- Advertisements --

Hinimok ni AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin ang Kamara na payagan si Pangulong Rodrigo Duterte na atasan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na pondohan ang Philippine Sports Commission (PSC) at Commission on Higher Education (CHEd).

Iginiit ni Garbin sa kanyang inihaing resolusyon na mayroong “urgent necessity” sa ngayon para himukin si Pangulong Duterte na gamitin ang kanyang executive powers matapos ipatigil ang operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kamakailan dahil sa issue ng korapsyon.

Ayon sa kongresista, dahil ang Kongreso ang may “power of the purse” mayroon din itong kapangyarihan para pahintulutan naman ang Presidente na obligahin ang PAGCOR sa pagbibigay ng pondo para sa PSC at CHEd.

Mahalaga aniya ito ngayong naghahanda na rin ang Pilipinas para sa hosting ng bansa sa SEA Games sa darating na Nobyembre at para hindi na rin aniya magambala pa ang pag-aaral naman ng mga kabataan sa kolehiyo na tinutulungan ng CHEd.

Kanya ring pinatutukoy sa PSC, CHEd at Department of Budget and Management, at Department of Finance ang funding support na kanilang kakailanganin mula sa PAGCOR.