-- Advertisements --

Umapela ang Office of the Vice President (OVP) sa mga senador para ibalik ang tinanggal na P44 million mula sa 2021 budget na una ng hiniling para mapalitan ang mga lumang sasakyan at para sa research sa 2021.

Sa budget hearing ng Senate Committee on Finance, sinabi ni Vice President Leni Robredo na una ng ipinanukala ng OVP ang P723 million pero P679 million lamang ang naisama sa national expenditure program.

Ayon kay Robredo, may anim na sasakyan ang OVP na hindi na magagamit pa kaya mga pribadong sasakyan na lamang kanilang mga staff ang ginagamit kapag nagsasagawa ng relief operations.

Ayon kay Robredo, ang problema ay hindi nila ma-charge ang gasoline expenses kaya sariling pera na nila ang ginagastos sa operasyon.

Kaugnay nito, inihayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na may sapat na “justification” para ibalik ang P44 million na binawas sa budget request ng OVP.

Sinuportahan naman ito ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan lalo pa’t nakikita naman umano sa track record ng OVP na nagagamit sa mabuti ang alokasyong ibinibigay sa tanggapan.

Maging si Sen. Nancy Binay, anak ni dating Vice Pres. Jejomar Binay ay isinulong din ang mas mataas na budget ng OVP.

Pinaboran at iniendorso naman ni Finance Committee chairperson Sonny Angara sa plenaryo ang hiling na budget ng OVP.