-- Advertisements --
CJ CHIEF JUSTICE DIOSDADO PERALTA

Sa buwan ng Hulyo na muling tatalakayin ng Supreme Court (SC) ang petisyon kaugnay ng prangkisa ng malaking TV network na ABS-CBN.

Sinabi ni SC Chief Justice Diosdado Peralta sa kanyang ipinatawag na kauna-unahang videoconference kasama ang media, sa sa Hulyo 13 pa isasalang sa en banc session ang Petition for Prohibition na inihain ng ABS-CBN.

Ang petisyon ay naglalayong pigilan ang cease and desist order (CDO) ng National Telecommunications Commission (NTC) na nagpatigil sa operasyon ng naturang media network.

Maalalang Mayo 7, 2020 nang humirit ang ABS-CBN ng temporary restraining order (TRO) laban sa cease and desist order (CDO) ng NTC.

Ayon sa ABS-CBN, ang CDO ng NTC ay paglabag sa karapatan ng publiko sa tamang impormasyon at pagsagka sa kalayaan sa pamamahayag.

Naniniwala naman ang NTC na hindi sila nagmalabis sa kanilang kapangyarihan nang mag-isyu ito ng CDO noong Mayo 5 na nagpatigil sa operasyon ng ABS-CBN.

Kumpiyansa ang NTC na valid ang naturang CDO at saklaw din ito ng kapangyarihan ng komisyon na ipatigil ang operasyon ng isang network na wala nang pinaghahawakang prangkisa mula sa kongreso.

Una rito, ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni Atty. Larenzo Gadon laban sa pagbibigay ng provisional authority ng NTC sa ABS-CBN Corporation.

Lahat ng mga mahistrado ay bumoto para ibasura ang petisyon ni Gadon dahil umano sa kawalan ng “legal standing.”