Minaliit ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon ang hakbang ni Atty. Israelito Torreon na pigilan ang impeachment proceedings ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Ridon sa panayam ng Bombo Radyo, walang direktang kaugnayan si Torreon at ang kaniyang law firm sa usapin ng impeachment, kaya wala itong kapangyarihan na dalhin ang isyu sa Korte Suprema.
Giit pa ni Ridon, hindi naman bahagi ng defense team ni VP Duterte ang humihiling ng temporary restraining order (TRO) sa kataas-taasang hukuman, kaya’t malabong bigyan ito ng atensyon ng mga mahistrado.
Dagdag pa niya, kahit maghain ng petisyon ang grupo bilang taxpayer, hindi pa rin ito kwalipikado dahil hindi paggastos ng pondo ng gobyerno ang tinututulan ng kampo ng petitioner.
Dahil dito, naniniwala si Ridon na walang kapasidad ang reklamo para mapigilan ang impeachment, na mula pa sa simula ay hindi saklaw ng korte dahil ito ay tungkulin ng Kongreso.
Sa ngayon, nakasalang na sa House justice committee ang impeachment case upang alamin kung may probable cause para iakyat ang usapin sa Senado bilang Impeachment Court.
















