Nakukulangan si Vice President Leni Robredo sa nilalamang probisyon ng nakabinbin pang Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2).
Sa kanyang Ulat sa Bayan nitong Lunes, pinuna rin ng pangalawang pangulo ang paggamit ng pamahalaan sa pondo na tila hindi naman naka-aabot sa mga nangangailangan.
“Hindi sapat ang mga probisyong nakatala at perang inilaan sa Bayanihan 2. Government must spend more, spend efficiently, and spend quickly, with the utmost sense of urgency, as if our economic survival depends on it—because it does. And yet, heto tayo, nakasandal pa rin sa isang pre-COVID budget.”
Binigyang diin ni Robredo na kayang balansehin ng gobyerno ang pagbangon ng ekonomiya at pagpapanatili ng mga protocol para hindi lumala ang pagkalat ng COVID-19.
Kaya naman mungkahi niya, dapat maging masinsin, mabilis at malinaw ang paglalatag ng mga hakbang sa pandemya.
“Hindi dapat naiipit ang diskursong pang-ekonomiya sa usapin ng lockdown o no lockdown.”
Hinimok ni VP Leni ang gobyerno na suportahan ang micro small and medium enterprises, at iba pang maliliit na negosyong nagpalit ng serbisyo para makatugon sa panangailangan ng pandemic.
Makabubuti rin umano na bigyan sila ng programa para mapalawak ang negosyo hanggang online.
“Halimbawa ang garment industry, na nagtatangka ngayong ibaling ang operasyon sa paggawa ng mga PPE. Dumadaing na sila dahil sa mga hirit ng pamahalaan na hindi up to standard ang mga produkto nila. Sa halip na bawalan at pulisin lang sila, bakit hindi sila i-empower para maabot ang mga standard na ito?”
“Puwede ring maglaan ng pondo para sa wage subsidies sa mga MSME na magko-commit na hindi sila magtatanggal ng mga empleyado.”
Bukod sa sektor ng negosyo, ipinaalala rin ng bise presidente ang papel ng agrikultura para matiyak na may pagkain sa hapag ang mga Pilipino kahit may krisis.
Nitong Lunes nilagdaan ng Kamara ang ratified version ng Bayanihan 2 bill. Nakatakda na itong ipasa sa Malacanang para naman pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.