Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang isang oil tanker na may kargang tinatayang P219.5 milyon na halaga ng ipinuslit na langis sa La Union.
Nagsagawa ng intelligence at enforcement operations ang ahensya kasama ang Philippine Coast Guard (PCG) Task Force Aduana at ang National Bureau of Investigation-Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD), matapos makatanggap ng ulat tungkol sa “paihi” modus, o ang ilegal na paglilipat ng langis, sa Pantalan ng La Union.
Binigyang-diin ni BOC Commissioner Bien Rubio ang pangangailangang paigtingin ang mga operasyon laban sa ilegal na pagpasok ng hindi markadong langis sa bansa, hindi lamang dahil sa epekto nito sa ekonomiya kundi pati na rin sa panganib na maaari nitong idulot sa mga konsumer na walang kaalaman tungkol dito.
Ayon sa BOC, lumabas sa paunang imbentaryo na may 200,000 litro ng diesel fuel sa barko, bukod pa sa karagdagang 59,000 litro ng langis na nasa dalawang lorry truck.
Sampung tripulante ng barko ang nabigong magpakita ng legal na dokumento o katwiran para sa kanilang operasyon.
Bukod sa mga tripulante, inaresto rin ng mga awtoridad ang 11 iba pang indibidwal na nagsilbing mga drayber, kargador, tagamasid, at kasabwat.
Ang mga may-ari, kapitan ng barko, at tripulante ng MT Bernadette at ng mga lorry truck, pati na rin ang may-ari ng nasamsam na diesel fuel, ay haharap sa mga kasong administratibo at kriminal dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.