-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring makaranas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng Luzon at Mindanao ngayong Linggo, Hunyo 22, dahil ‘yan sa banta ng epekto ng Southwest Monsoon o habagat at Intertropical Convergence Zone (ITCZ).

Sa pagtataya ng state weather bureau, apektado ng habagat ang kanlurang bahagi ng Luzon, habang ang ITCZ naman ay nakakaapekto sa katimugang bahagi ng Mindanao.

Magiging maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang panahon sa Davao Region at SOCCSKSARGEN.

Nagbigay babala naman ang weather bureau para sa mga residente laban sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan.

Apektado rin ng habagat ang Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at Palawan, na makakaranas ng maulap na papawirin at kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog.

Posibleng makaranas din ng isolated thunderstorms ang natitirang bahagi ng Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA.

Samantala, para sa nalalabing bahagi ng bansa, magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan dahil sa localized thunderstorms.