-- Advertisements --
PNP PIO CHIEF RED MARANAN

Nagpaliwanag ngayon ang Philippine National Police sa dahilan kung bakit hindi pa nila pinakakawalan ang limang mga Chinese nationals na nasa puder ngayon ng Pambansang Pulisya.

Una na kasing sinabi ng legal consultant ng Chinese company na pinagtatrabahuhan ng naturang mga foreign nationals na si Atty. Christian Vargas na hanggang sa kasalukuyan daw kasi ay nasa kustodiya pa rin ng pulisya ang lima.

Ito nga ay matapos na umano’y palayain mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame ang lima ngunit inilipat naman sa isa umanong Philippine Offshore Gaming Operator compound sa Las Piñas City.

Sa kabila ito ng inilabas na release order ng Department of Justice nang dahil sa kakulangan ng ebidensyang inihain ng panig ng PNP-Anti Cybercrime.

Paliwanag ni PNP-Public Information Office Chief PBGEN. Redrico Maranan, palalayain naman raw ng PNP-ACG ang naturang mga foreign nationals na kasalukuyang nasa kanilang kustodiya sa oras na dumating na ang kanilang mga abogado.

“The legal officer of the Anti-Cybercrime Group (ACG) said the five Chinese nationals would be freed but they have yet to be fetched or received by a representative or their counsel. We continue to coordinate with their counsel so we can turn them over and we also continue to coordinate with the Bureau of Immigration (BI) on this matter,” saad ni PNP-PIO Chief PBGEN Redrico Maranan.

Ang limang mga Chinese nationals na tinutukoy sa nasabing usapin ay kabilang sa mga naaresto at iniimbestigahan ng mga otoridad hinggil sa ikinasa nitong operasyon sa naturang Chinese company kamakailan lang nang dahil sa umano’y kaugnayan nito sa ilegal na operasyon ng POGO.

Dagdag pa ni PBGEN. Maranan, bukod dito ay natapos na rin nila ang profiling at documentation sa libo-libong mga foreign nationals na nasagip ng pulisya mula sa naturang operasyon.

Nakapaghain na rin aniya sila ng limang kaso laban sa mga nasa likod nito habang naiturnover na rin aniya sa bi ang pitong mga dayuhan na napag-alamang mayroon na ring existing warrant of arrest.