-- Advertisements --

Maganda ang takbo ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Alan Peter Cayetano kaya hindi na dapat ituloy ang term sharing sa Speakership post, ayon sa ilang kongresista.

Sa isang press conference, sinabi nina Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor at ACT CIS Partylist Rep. Eric Go Yap na maayos at mabilis ang proseso ng Kamara sa pag-apruba ng mga mahahalang panukalang batas sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano.

Dahilan din daw ito kaya nakakuha ng mataas na rating ang mababang kapulungan ng Kongreso sa mga survey.

Iginiit ng dalawang party-list congressman na ang usapin hinggil sa term sharing ay verbal agreement lang at walang napirmahang kasunduan ukol dito.

Gayunman, sakaling matuloy ang pagpapalit ng liderato sa Kamara ay nakahanda naman daw silang sumunod dito.

Subalit kailangan anilang dumaan pa rin ito sa botohan at hindi basta papalitan lamang si Cayetano ng sinumang kongresista.

Magugunita na bago ang botohan sa speakership race noong Hulyo para sa 18th Congress, napabalitang nagkaroon ng kasunduan sina Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco hinggil sa nasabing puwesto.

Mauuna anilang maupo bilang Speaker ng Kamara si Cayetano sa loob ng 15 buwan, at susundan naman ito ni Velasco sa natiting 21 buwan ng 18th Congress.