-- Advertisements --

Umalma ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) matapos tawaging “illegal gambling haven” na ang bansa dahil sa nagsulputang offshore gaming hubs dito.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa budget ng naturang government owned and controlled corporation (GOCC) sinabi ni Pagcor Senior Manager for Offshore Gaming Victor Padilla na hindi na bago ang presensya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) dahil 2005 pa ng magsimulang mag-operate ang mga ito.

Itinuturing din umano na ligal dahil sakop ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) ang paghahawak noon sa mga POGO.

Depensa ni Padilla, malaki ang pakinabangan ng gobyerno sa mga POGO dahil bilyong-bilyong pondo na nalilikom nito kada taon.

Kamakailan nang kwestyunin ang POGO sa Pilipinas dahil sa labis ng presensya ng mga Chinese na iligal umanong nasasangkot sa mga issue ng naturang industriya.

Umaasa ang Pagcor na makakamit nila ang kanilang projected income distribution para sa susunod na taon.

Tinaasan kasi ng naturang GOCC ang kanilang 2020 projected income sa P75.178 billion mula sa P73.887 billion estimated income ngayong 2019.

Target din kasi ng ahensya na taasan ang kanilang ibinibigay na share sa gobyerno sa P34.923 billion. Nabatid na noong 2017, aabot lang sa P27.174 billion ang government share ng Pagcor, at P32.170 naman noong 2018.

Samantala, bumaba naman ng P3.053 billion ang alokasyon ng ahensya para sa socio-civic projects na nasa P8.803 Billion na lamang sa 2020 mula sa P11.856 Billion ngayong taon.