-- Advertisements --

Hindi dapat ikumpara ang usapin ng confidential funds ng Office of the Vice President sa Confidential at Intelligence Funds ng Office of the President.

Ito ang binigyang diin ni Palace Press Officer Claire Castro.

Sinabi ni CAstro walang batayan ang ganitong paghahambing dahil hindi naman gumastos ng malaking halaga sa loob ng maikling panahon ang Pangulo, taliwas sa napaulat na paggamit ng 125M ng OVP sa loob lamang ng 11 araw.

Bukod dito, regular din daw na nagsusumite ng tamang ulat ang Office of the President at sumusunod sa mga umiiral na batas.

Ipinunto pa ni Castro na wala ring natanggap na Notice of Disallowance ang OP kaugnay ng paggamit ng confidential funds, kabalanigtaran sa mga isyung kinakaharap ngayon ng OVP.

Dagdag pa ng Palasyo, hindi rin kailanman humiling ang Office of the President ng anumang sertipikasyon mula sa ibang institusyon para bigyang-katwiran ang paggamit ng confidential fund.

Isa pa anyang malinaw na pagkakaiba sa sinasabing ginawa ng kampo ni Vice President Sara Duterte, na umano’y humingi ng dokumento mula sa AFP bilang suporta sa P15 milyong ginastos sa isang youth summit na kalaunan ay pinabulaanan ng AFP at kinumpirma ng DepEd sa congressional hearing.

Ang pahayag na ito ng Palasyo ay tugon sa tanong kung posible ring maungkat ang CIF ng Office of the President sakaling maharap sa impeachment complaint ang Pangulo.