Hindi bababa sa 50 gurong Filipino na kasalukuyang nasa Maui ang hinahanap ng Konsulado ng Pilipinas sa gitna ng malawakang wildfire na sumiklab sa Lahaina sa isla ng Maui, Hawaii.
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na ang Philippine Consulate General sa Honolulu ay nakatakdang magsagawa ng consular mission sa bayan ng Wailuku sa Maui upang makakuha ng karagdagang impormasyon sa usapin, at matiyak na ang mga guro ay wala sa Lahaina.
Aniya, pinahintulutan na rin silang magbigay ng tulong pinansyal sa hindi bababa sa 50 gurong Filipino na natukoy na nasa Maui sa ilalim ng J-1 visa.
Ang J-1 visa ay ibinibigay sa mga dayuhan sa work-and-study-based exchange at visitor programs ng U.S.
Sinabi ni De Vega na nakahanda ang DFA na tumulong sa mga guro sakaling naisin nilang maiuwi sa Pilipinas.
Ayon sa opisyal ng DFA, halos 100 katao na ang naiulat na namatay dahil sa Maui wildfires.
Wala pa sa mga nasawi na ito ang kumpirmadong Pilipino, ngunit sinabi ni De Vega na maaaring mayroong mga Filipino-American sa kanila.
Sinabi ng Maui Filipino Chamber of Commerce na daan-daang Pilipino ang kabilang sa mahigit 1,000 na nawawala sa mga wildfire na nagsimula noong nakaraang linggo.
Kung matatandaan, noong Lunes, sinabi ng Philippine Consulate General sa Honolulu na nakakatanggap ito ng tumataas na bilang ng mga tawag at email na nagtatanong tungkol sa katayuan ng mga Filipino at Filipino-American na nawawala dahil sa malawakang wildfire sa naturang lugar.