-- Advertisements --

Tinanggal na ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang posibilidad na arson o sinadya ang dahilan nang pagkasunog ng rectifier ng Anonas-Santolan Station ng LRT-2 kamakailan.

Sa ipinatawag na emergency meeting ng House Committee on Transportation nitong araw, sinabi ni LRTA spokesperson Atty. Hernando Cabrera na circuit failure at kidlat lamang ang kanilang nakikitang anggulo sa nangyaring sunog.

Kinontra naman ito ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon at sinabong malabong kidlat ang dahilan ng sunog lalo na’t hindi naman aniya umuulan noong mangyari ang insidente.

Aminado naman si Cabrera na limitado pa ang kanilang kaalaman sa insidente sapagkat hindi pa sila pinapahintulutan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na makapasok sa lugar kung saan nangyari ang sunog.

Dahil dito, kinalampag ni Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla ang BFP na bilisan ang imbestigasyon nang matukoy na rin ng LRTA kung anong piyesa ang kailangan mapalitan para maibalik na rin sa normal ang operasyon ng tren sa lalong madaling panahon.

Ayon kay Cabrera, sa 198 items o spare parts na kailangan, 11 lamang ang wala sa kanila habang lima lamang ang nagalaw sa loob ng limang taon.