BAGUIO CITY – Ipinagmalaki ng Cordillera PNP ang pagkabunot at pagsunog sa P11.2-milyong halaga ng marijuana sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Benguet.
Ayon sa Police Regional Office (PRO)-Cordillera, isinagawa ang marijuana eradications sa magkakaibang plantation sites sa mga bayan ng Kibungan, Mankayan, at Bakun, Benguet.
Nagresuta ito sa pagkabunot ng mahigit 8,300 fully grown marijuana plants, pagkasira ng 120-kgs marijuana stalks, 1-kg dried marijuana leaves, 100 piraso ng marijuana sticks, at 1,000 marijuana seedlings.
Una nang napaulat na kamakailan lamang ay binunot at sinira din ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad ang P49.6-milyong halaga ng fully grown marijuana plants sa Loccong, Tinglayan, Kalinga.
Binunot at sinira din ng mga awtoridad ang P2.6-milyong halaga ng fully grown marijuana plants sa pagitan ng Sadanga, Mountain Province at Bugnay, Tinglayan.
Sa kabuuan ay aabot na sa mahigit P63.4-million ang halaga ng mga nasirang iligal na pananim sa iba’t ibang bahagi ng Cordillera Administrative Region sa huling bahagi ng buwan ng Hunyo.