shabu

NAGA CITY – Mahigit kalahating milyong pisong halaga ng iligal na droga ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Camarines Sur sa isang babae sa isinagawang drug buybust operation sa Iriga City.

Kinilala ang suspek na si Joanna Rose Magistrado Saballero, 28-anyos, residente ng Zone 2, Brgy. San Isidro ng naturang lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Agent Natz, PDEA provincial officer, inutusan lamang umano si Saballero ng kanyang partner na i-deliver ang droga.

Sinabi pa umano ng suspek na binabantaan siya at ang kaniyang mga anak kaya napilitan itong mag-deliver ng naturang iligal na droga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nakumpiska sa suspek ang nasa 125 grams na pinaniniwalaang shabu na tinatayang nasa P850,000 ang halaga.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PDEA ang suspek para sa karampatang disposisyon habang nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.