Hawak na ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga ecstasy tablet na nagkakahalaga ng mahigit P3.3 million.
Narekober ang iligal na droga na idineklarang wedding dress sa claimant ng naturang kontrabando sa Taytay, Rizal.
Inihahanda na sa ngayon ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) laban sa suspek.
Ang shipment mula sa bansang Germany ay nakapangalan sa isang “Heart Valerine Garcia Cruz.”
Idineklara itong wedding dress at idinaan sa masusing pagsusuri ng Bureau of Customs (BoC)-NAIA personnel.
Dito na tumambad ang kabuuang 1,993 tablets ng ecstasy party drugs na mayroong estimated value na P3,388,100.
Isinagawa ang naturang operasyon kasama ang Port of NAIA Enforcement and Security Service Customs Anti-illegal Drugs Task Force (ESS – CAIDTF).
Ngayong 2021, nasa 50 busts operations na ang isinagawa laban sa iligal na droga at nasa P107,026,800 na ang tinatayang halaga ng mga nasabat na kontrabando.