Mahigit P2 na umento sa mga produktong petrolyo ang sasalubong sa mga motorista bukas.
Ayon sa mga energy sources, nasa P2.05 ang dagdag sa presyo ng kada litro ng diesel, P2.05 sa kerosene at P1.45 naman sa gasolina.
Sa magkahiwalay na advisories ang Caltex at Pilipinas Shell Petroleum Corporation ay magpapatupad ng naturang umento sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Maging ang Cleanfuel at Petro Gazz ay magpapatupad din ng parehong umento maliban na lamang sa kerosene.
Ang price hike ay epektibo alas-6:00 bukas Oktubre 5 maliban sa Caltex na magpapatupad ng adjustments dakong alas-12:01 ng umaga at ang Cleanfuel ay dakong alas-4:01 ng hapon.
Ito na ang ika-anim na sunod na linggo na nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Base naman sa data ng Department of Energy (DoE) dahil sa mga price adjustments, sa ngayon nasa P15.10 na ang dagdag sa kada litro ng gasolina, P12.95 sa kada litro ng diesel at P10.65 naman sa kerosene.