-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Umaabot na sa P197.6 million ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa rehiyong Bicol dala ng Bagyong Bising.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Agriculture (DA) Bicol Spokesperson Emily Bordado madadagdagan pa ang naturang bilang dahil mula pa lang ito sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes at Sorsogon at hinihintay pa ang damage assessment sa Albay at Masbate.

Tinatayang nasa 5,370 na mga local farmers ang naapektohan ng kalamidad habang 5,808 na ektarya naman ng mga pananim ang nasira.

Subalit nilinaw ni Bordado na partial damage lamang ito dahil karamihan sa mga napinsalang pananim ay nasa maturity stage na at maaari pang maka-recover.

Sa ngayon upang makatulong sa mga magsasaka nagtayo na rin ang DA ng kanilang community pantry kung saan maliban sa gulay at canned goods na ibinibigay ay mayroon rin mga vegetable seeds.