Nasa P1.4 billion funds ang inilaan ng Department of Social Welfare and Development Office (DSWD) para sa agarang tulong sa mga maaapektuhan ng Bagyong Rosita.

Sa datos na inilabas ng DSWD, mahigit P137 million ang halaga para sa family food packs at mahigit P782 million halaga ng non-food items.

Ayon naman kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Edgar Posadas, ang nasabing pondo ay bukod pa sa P463 million na standby funds na nasa DSWD Central Office at field offices at mahigit P411 million para sa Quick Response Fund.

Sa ngayon nakapag-dispatch na rin ang DSWD ng 15,000 family food packs sa kanilang field office sa Tuguegarao, habang ang kanilang ibang field offices ay naka-standby din para sa posibleng augmentation sa pagdadala ng mga food at non-food items.

Patuloy naman ang monitoring ng NDRRMC sa mga lugar na ngayon ay nararamdaman na ang epekto ng bagyo.