-- Advertisements --

Naniniwala si House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na madali lamang mabawi ang mawawalang kita ng pamahalaan sakaling matuloy ang pagbibigay ng 50 percent discount sa remittance fees ng mga OFWs.

Ayon sa Department of Finance (DOF), aabot ng P1.356 billion ang foregone revenues sakaling maisabatas ang House Bill No. 826, na iniakda ni House Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzalez, na inaprubahan ng komite ni Salceda kamakailan.

Sinabi ni Salceda na madali lamang mababawi ang naturang halaga sa pamamagitan ng aniya’y “small improvements” sa tax administration at compliance sa bansa.

Iginiit ni Salceda na mas mahalaga ang humanitarian benefits na makukuha kumpara sa fiscal cost sakaling maging ganap na batas ang panukala ni Gonzales.

“Compared to the economic benefits that encouraging more remittances will bring, napakaliit na bagay nito. I think our OFWs and their families deserve this, also,” ani Salceda.

Iginiit ng kongresista na malaking tulong ang panukalang batas na ito para sa mga OFWs na ang pamilya ay walang bangko o nasa mga komunidad na tanging mga remittance centers lamang ang accessible conduits para sa money transfers.

Malaking bagay din aniya ang 50 percent discount dahil maraming mga migrant workers ang nabawasan ng sahod at ang iba naman ay nawalan talaga ng trabaho abroad dahil sa COVID-19.