-- Advertisements --

Daan-daang residente ng Brgy. 649 sa Baseco compound, Tondo, Manila ang nananatili ngayon sa evacuation center, matapos pasukin ng malalaking alon ang kanilang mga bahay.

Ayon sa mga residente, umabot hanggang dibdib ang taas ng tubig na nanggaling sa Manila Bay.

Mahigit 230 ang naapektuhang bahay, habang mahigit 800 residente naman ang inilikas patungo sa mas ligtas na lugar.

Sa nasabing bilang, halos kalahati sa kanila ay mga maliliit na bata pa lamang.

Binigyan muna sila ng pagkain habang nasa evacuation center.

Maliban sa mga ito, may iba pang taga-Baseco ang pansamantalang nanatili sa kanilang mga kamag-anak.

Sinasabing magkahalong epekto ng bagyong Maring at high tide ang dahilan, kaya pumasok sa residential area ang malalaking alon, na sumira sa daan-daang bahay ng mga residente.