-- Advertisements --

Tinatayang 3.2-milyong kabataan na may edad sampu at limang taong gulang pababa ang target ngayon ng Department of Health (DOH) na isailalim sa nagbabalik immunization program nito laban sa sakit na polio.

Mula kasi nang pumutok ang COVID-19 pandemic sa Pilipinas ay naapektuhan din ang programa ng ahensya sa pagbibigay bakuna laban sa naturang sakit.

Nitong Lunes nagsimula nang rumolyo sa Mindanao ang Sabayang Patak Kontra Polio campaigan ng DOH, kasama ang World Health Organization (WHO) at United Nations International Children’s Fund (UNICEF).

Ayon kay Health Usec. Abdullah Dumama, nasa higit 634,000 o 8.3-percent ng mga bata na may edad limang taong-gulang pababa ang agad nabigyan ng serbisyo sa unang araw ng implementasyon.

Tatagal pa raw ito hanggang Agosto, kasabay ng pagpapalawak ng implementasyon sa ilang lugar sa Central Luzon, Laguna, Cavite at Rizal.

“Datapwat ganito ang ating kalagayan, dapat nating unawain at bigyang pansin ang mga iba pang nakakahawang sakit na patuloy na naghahasik ng lagim sa gitna ng pandemya.”

KONTRA POLIO
IMAGE | Screen grab from DOH virtual presser/Facebook

Bago pumutok ang unang kaso ng COVID-19 noong Enero dito sa bansa, muling nakapagtala ang DOH ng polio outbreak noong Setyembre ng 2019.

Ito ang kauna-unahang kaso ng sakit sa bansa matapos ang 19-taong pagiging polio-free ng estado. Mula noon, 22 kaso na raw ng polio ang naitala.

Aminado ang kawani ng WHO sa Pilipinas na malaking hamon ngayon ang pagtugon sa polio outbreak dahil sa COVID-19.

“Fortunately for us, we have the response. It is happening, we are now in GCQ or MGCQ and so we can continue response campaigns,” ani Dr. Rabindra Abeyasinghe.

“We are hoping that we can achieve the coverage and interrupt the transmission. But a lot of this depends on how the COVID-19 outbreak will continue to evolve.”

Hinimok naman ng opisyal mula sa UNICEF ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang anak kontra polio. Ayon sa kanya, dumaan sa masusing training ang mga itinalagang health care workers kaya tiyak na ligtas sa banta ng COVID-19 ang mga bata.

“We have been training medical staff, community health workers on how to use personal protective equipments to help prevent the spread of COVID-19. They are full equipped,” ani Oyunsaikhan Dendevnorov.

“Vaccines are safe, effective and they are free of charge.”

Simula Agosto nang nakaraang taon, siyam na polio outbreak immunization campaigns na raw ang naipatupad ng DOH.

Dahil dito nagawa raw maabot ng ahensya ang higit 90-percent na target nitong bakunahang kabataan sa pagtatapos ng 2019.

Isang nakakahawang sakit ang polio na nakukuha kapag nagkaroon ng close contact ang indibidwal sa kontaminadong dumi ng tao.

Sa ginawang test ng Research Institute for Tropical Medicine at infectious diseases expert sa Japan at Amerika noong nakaraang taon, nag-positibo sa poliovirus ang samples na kinuha sa sewages at ilog sa Maynila at Davao.

“Hindi natutulog yung ibang viruses o ibang mga sakit dahil may COVID-19. Nandyan pa rin sila at maaari pa ring maapektuhan ang mga kabataan kung hindi sila magpapabakuna,” ani Health spokesperson Maria Rosario Vergeire.