Umabot sa 647 na empleyado ng Supreme Court (SC) ang sumailalim ngayong araw sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) rapid test.
Ito ang kinumpirma ni SC Spokesperson Brian Hosaka.
Ang rapid test ay isinagawa kaninang umaga hanggang hapon.
Una rito, personal na nagsagawa ng inspection si Chief Justice Diosdado M. Peralta sa dalawang medical tents sa Korte Suprema, ang isa ay nasa labas ng New Building at ang isa ay nasa Old Building sa Faura Street, Manila.
Ayon sa SC, lahat daw ng mga empleyado ay sasalang sa COVID-19 rapid testing at nauna nang sumailalim ang mga justices at officials ng korte sa test sa Dignitaries Lounge.
Ang subject ng rapid test ay ang mga empleyadong bahagi ng skeleton staff o ang mga employees na required na mag-report physically sa Korte Suprema sa kasagsagan ng community quarantine.
Ang pagtatayo ng medical tents para sa rapid testing sa SC grounds ay isinagawa sa koordinasyon sa Office of the City Mayor at iba pang concerned government agencies.
“The rapid testing is the Court’s way of complementing the efforts of the government to curb the spread of the pandemic and to flatten the curve,” ani Peralta.
Una rito, nag-install na rin ang kataas-taasang hukuman ng dalawang multi-function disinfection chambers sa lobby ng SC Main Building at sa SC Centennial Building.
Binansagan pa itong “automatic frontliners” ng SC na mayroong non-contact infrared temperature scanner, automatic hand sanitizer dispenser at ultrasonic atomization system.