KORONADAL CITY -Nananatili ang nasa 575 na indibidwal sa Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato, matapos lumikas mula sa Barangay Molon, Palimbang, Sultan Kudarat, sa gitna ng rido.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Major Jardi Mont Sibal, hepe ng Lake Sebu-Philippine National Police, kinumpirma nito ang bilang ng mga bakwit na nasa kanilang bayan na nagmula sa Palimbang, Sultan Kudarat.
Dagdag pa nito na sa ngayon, ang karamihan sa mga evacuee sa tatlong sitio na kinabibilangan ng Kumilat, Kisayan at Molmol sa Barangay Ned, ay pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kakilala at pamilya.
Mayroon ding naitalang 50 evacuess sa iba’t ibang mga barangay sa Palimbang.
Base sa mga otoridad, ang rido ay sumiklab umano sa pagitan ng kasalukuyang kapitan ng Barangay Molon na kinilala lamang sa pangalang Adam at ang ‘di pa natukoy na dating opsiyal ng parehong barangay.
Sinasabing isang 18-anyos ang nasugatan sa pamamaril.
Sa ngayon pinaigting pa ang seguridad sa boundary ng Palimbang, Sultan Kudarat at Barangay Ned Lake Sebu, kasunod ng pangyayari.