-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Higit 600 kilo ng mga karneng baboy at manok ang nasabat ng mga otoridad sa Animal Quarantine Chokepoint sa Maharlika Highway, Barangay Agos, Polangui, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Pancho Mella, provincial veterinarian ng Albay, pinara ng mga otoridad ang isang Foton Tornado van dahil sa natanggap na impormasyon ukol dito.

Sa pag-iinspeksyon, natuklasan ang sakay nitong styro boxes kung saan tumambad ang mga kilo-kilong marinated na karne nang ito’y buksan.

Subalit nang hingan ng papeles ang driver sa legal na pagbiyahe ng mga ito, bigong makapagpresenta ng kaukulang dokumento.

Nasa 30 kilo ng karneng baboy at 630 kilo ng karneng manok ang nakumpiska.

Nabatid na mula pa sa Parañaque City at idi-deliver sana sa Ligao City at Oas ang kargamento.

Dinala na rin sa Municipal Agriculture Office ang mga karne upang ilibing at sunugin.