Iniimbestigahan na ngayon ng mga otoridad ang nangyari umanong food poisoning sa mahigit 60 atleta sa lungsod ng Ormoc.

Ayon kay P/Lt. Col. Pacifico Baligod ng Ormoc City Police Investigation Branch, naganap daw ang insidente ilang saglit matapos ang hapunan.

Lahat ng mga apektadong atleta ay mga delegado ng lalawigan ng Biliran sa Eastern Visayas Regional Athletic Association (EVRAA) meet.

Kaagad namang isinugod ang mga ito sa magkakaibang mga pagamutan sa nasabing siyudad.

Batay sa paunang imbestigasyon, karne umano ang kinain ng mga ito na isinilbi ng kanilang caretaker.

-- Advertisement --

Matapos ang pagkain nila ng hapunan, idinaing na raw nila ang matinding pananakit ng kanilang tiyan.

Sa ngayon ayon kay Baligod, nasa ligtas nang kondisyon ang mga atleta ngunit patuloy pa ring inoobserbahan.