-- Advertisements --

Pumapalo na sa mahigit 60 pagyanig ang naitalang aftershocks sa Lubang Island, Occidental Mindoro, kasunod ng 6.4 magnitude na lindol nitong Lunes ng umaga.

Ayon sa Phivolcs, pinakamalakas na aftershock ay pumalo sa 4.8 magnitude bandang tanghali.

Una rito, nakapagtala na ng ilang pinsala sa mga kabahayan sa naturang isla.

Pero agad na nilinaw ni Lubang DRRMO head Engr. Jeremy Villas na walang nasawi o nasugatan kaugnay ng naturang lindol.

Sa ngayon, hindi pa naman kailangan na ideklara ang state calamity sa mga apektadong lugar.

Ang Metro Manila at mga karatig na rehiyon ay nakaranas din ng pagyanig mula sa 6.4 magnitude na lindol.