Aabot na sa mahigit 6,000 indibidwal na may comorbidities sa Manila City ang nabakunahan na kontra COVID-19.
Base sa talaan ng Manila City Government, kabuuang 6,137 residente na mayroong comorbidities na ang kanilang nabakunahan nang sinimulan na nila kahapon ang inoculation sa mag indibidwal na pasok sa A3 category ng vaccination priority list ng pamahalaan.
Kabilang ang naturang mga indibidwal sa kabuaang 28,247 katao na nabakunahan na sa Manila City kontra COVID-19.
Base sa inilabas na paalala ng Manila City Government, pasok sa mga itinuturing na comorbidities ang mga indibidwal na mayroong chronic respiratory disease, hypertension, cardiovascular disease, chronic kidney disease, nakaranas ng cerebrovascular accident, malignancy at/o diabetes.
Pasok din sa listahan ang mga immunodeficient, mayroong chronic respiratory tract infection, tuberculosis, chronic liver disease, neurologic disease, obesity at/o iba pa.
Mula sa kabuuang bilang ng mga nabakunahan hanggang kahapon, Marso 31, 2021, sinabi ng pamahalaang lungsod na 13,730 rito ang medical frontliners at 8,380 naman ang senior citizens.
Mula sa mahigit 13,000 na nabakunahan nang medical frontliners, 436 rito ang nakatanggap na ng ikalawang dose ng bakuna.
Patuloy naman ang paghihikayat ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga indibidwal na kabilang sa priority sectors na magpabakuna lalo na at limitado pa ang bilang ng COVID-19 vaccines na dumarating sa bansa.
Dagdag pa nito, malaki ang mabibigay na proteksyon ng COVID-19 vaccination sa mga indibidwal at mga komunidad na kanilang kinabibilangan.
Ngayong araw, tuloy ang pagbabakuna ng Manila City LGU sa edad 18 hanggang 59-anyos na mayroong comorbidities.