-- Advertisements --

Inamin ni dating presidential spokesperson Harry Roque nitong Biyernes, Hunyo 20, na pinayuhan niya si dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag na bumalik sa Pilipinas dahil sa lumalalang banta ng pag-aresto ng International Criminal Court (ICC).

Ginawa ni Roque ang pahayag sa isang pagtitipon sa The Hague, Netherlands, upang gunitain ang ika-100 araw ng pagkakadetine ni Duterte, kung saan inilahad pa ni Roque ang kanilang mga pag-uusap noong unang bahagi ng 2025 bago ang posibleng pag-aresto sa dating Pangulo.

“Ako ang nag-orchestrate [ng planong huwag na siyang bumalik ng Pilipinas],” ani Roque. “In the end, na-convince ko sila, sige na, pag-usapan natin. Dahil hindi biro itong mangyayari sa atin.”

Ayon pa kay Roque, pinaalalahanan na niya ang kampo ni Duterte noong 2023 na naroroon na ang mga ICC investigators sa bansa.

‘Bakit ko alam? Eh kasi silang mga abogado ng biktima, dati kong law partners,’ dagdag ni Roque.

Gayunpaman, sinabi ni Roque na hindi nagpatinag si Duterte at nanatili itong determinado na bumalik sa Pilipinas, tinanggihan ang ideya niya ng pagkuha ng asylum sa Hong Kong.

‘Wala po sa isipan ni Tatay Digong na mag-asylum sa Hong Kong,’ pahayag ni Roque.

Inilahad din ni Roque na muling nag-book si Duterte ng mas maagang flight mula Hong Kong patungong Manila, bago siya tuluyang arestuhin, na ayon sa mga tagasuporta ay isang “extraordinary rendition.”

‘Imbis na umalis siya sa original flight niya na hapon, kumuha pa siya ng mas maagang flight sa umaga,’ sabi ni Roque. ‘At yun ang hapon, nakikita na natin, nagkaroon ng extraordinary rendition, nakidnap si Tatay Digong.’

Samantala, kasalukuyan paring nakadetine si Duterte sa ICC habang nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa crimes against humanity kaugnay ng kanyang madugong “war on drugs.”