-- Advertisements --

Mag-i-invest ng todo ang gobyerno para gawing isa sa pinakaligtas na bansa sa buong mundo ang Pilipinas.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, gagawin ito sa sunod na mga buwan at taon.

Kabilang aniya sa mga gagawing hakbang para maisakatuparan ito ay ang pagpapalakas pa ng 911 emergency call system na inaasahang magiging fully operational sa Metro Manila, Cebu at Davao sa Hulyo.

Plano din ng gobyerno na maglagay ng isang closed-circuit television camera (CCTV) sa bawat 1,000 square meters sa buong bansa at bibili ng mas marami pang mga patrol vehicles para sa mga police officers para makatugon sa 5-minute response time target ng Philippine National Police (PNP).

Matatandaan, nauna ng napaulat ang pangunguna ng Pilipinas sa listahan ng “least safe country” sa buong mundo ng HelloSafe Safety Index 2025 ng HelloSafe website.

Bagamat binago rin kalaunan at tinanggal ang Pilipinas sa top list ng mga hindi ligtas na bansa.

Subalit nauna ng pinalagan ng Department of Tourism (DOT) ang pagsali sa Pilipinas bilang least safe country sa buong mundo sa travel safety index.

Kasama ng ahensiya ang iba pang tourism industry groups at hotel operators na komondena sa naturang website na ayon kay Tourism Sec. Christina Frasco ay nakaapekto sa kumpiyansa ng mga dayuhang turista sa bansa.