Napahatiran na ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga locally stranded individuals (LSIs) sa Pasay City.

Sa isang virtual press briefing, sinabi ni DSWD Secretary Rolando Bautista na nagbigay sila ng sleeping kits at sanitary kits sa 539 na LSIs.

Bukod dito, namahagi rin aniya ng P2,000 financial assistance ang kagawaran sa mga LSIs sa lungsod.

Sa mga nakalipas na linggo, ilang LSIs ang napiling magpalipas ng araw at gabi sa ilalim ng expressway malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ilan sa kanila ang nagsabi na doon sila nananatili habang naghihintay ng kanilang flights pauwi sa kanikanilang mga probinsya.