LEGAZPI CITY – Matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng Coast Guard Substation (CGS)-Aroroy sa Masbate ang nasa 43 pasahero at walong crew ng motorized banca matapos na magkaaberya sa gitna ng karagatan.
Una rito, nakatanggap ng “distressed call” ang CGS-Masbate mula sa sasakyang-pandagat na biyaheng Masbate City port patungong Claveria.
Inihayag ni PO2 (Petty Officer 2nd Class) Ricky Nollasgo ng CGS-Aroroy sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nabatid na nahirapang umusad ang bangka dahil humalo ang tubig sa krudo nang lumuwag ang gasket ng makina.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente habang agad na naituloy ang biyahe matapos na mailipat sa ibang bangka ang mga pasahero.
Sa kabilang dako, napag-alamang napadaan lamang sa lugar ang rescue team na naghahanap din sa nawawalang mangingisda na si Arcel Oliva, 37-anyos na residente ng Barangay Panique.
Hatinggabi nitong Lunes, Nobyembre 25, nakaangkla na umano ang bangka ni Oliva at ilan pang mangingisda sa pantalan ng Aroroy nang dumating ang pinaniniwalaang ipo-ipo.
Mistulang hinigop daw ang bangka kasama si Oliva at pataob na ibinagsak sa tubig subalit sa pagsuri ng grupo sa kasamang mangingisda, hindi na ito mahagilap.
Umaasa naman si Nollasgo na makukuha pang buhay ang naturang mangingisda.
















