Mahigit 50 katao ang dinukot ng mga armadong lalaki sa isang mass abduction sa Sabon Garin Damri, sa bahagi ng Zamfara, Nigeria, ayon sa isang pribadong ulat ng United Nations na nakuha ng Agence France-Presse.
Tinarget umano ng tinaguriang “armed bandits” ang lugar noong Biyernes.
Ayon pa sa ulat, ito ang kauna-unahang malaking insidente ng pagdukot sa Bakura local government area ngayong taon.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pulisya ng Zamfara ukol sa insidente.
Nabatid na ang krisis ng “banditry” sa Nigeria ay nagsimula sa pagitan ng mga magsasaka at nagpapastol dahil sa agawan sa lupa at tubig, ngunit lumala ito at naging organisadong krimen.
Ang mga grupo ay kumikita sa pangingidnap para sa ransom, at paniningil ng “buwis” sa mga magsasaka at mga minero.
Noong nakaraang buwan, pinatay ng mga armadong grupo ang nasa 33 kataong dinukot nila kabilang ang tatlong sanggol noong Pebrero kahit nakatanggap na sila ng ransom na $33,700.
Una narito noong 2011, lumaganap ang mga armas at kaguluhan sa rehiyon ng Sahel, na nagpalakas sa mga gang sa ilang lugar sa Nigeria.
Lumalala rin ang kakulangan sa pagkain habang napilitang lumikas ang mga tao sa kanilang mga sakahan dahil nararanasang karahasan.
Kamakailan, napatay ng militar ang hindi bababa sa 95 miyembro ng isang armadong grupo sa estado ng Niger. Ngunit nananatiling overstretched ang pwersa ng gobyerno, at naiulat na ang ilang airstrike ay nagresulta sa pagkamatay ng ilang mga sibilyan.
Lalong lumala ang sitwasyon sa paglitaw ng jihadist group na Lakurawa sa rehiyon, na nagsanib-puwersa na umano sa mga bandido.
Dahil dito, napilitan ang mga pamahalaan ng apektadong estado na kumuha ng anti-jihadist militias upang tumulong sa pagsugpo sa mga bandido.