BAGUIO CITY – Binigyan na ng Overseas Workers Welfare Administration wenno OWWA (OWWA) – Cordillera ng tulong pinansial ang 426 na mga OFWs sa rehiyon na naapektuhan sa temporary travel ban sa China, Hong Kong at Macau dahil sa COVID-19.
Ayon kay Manuela Peña, regional director ng OWWA-Cordillera, nabigyan ang mga nasabing apektadong OFWs ng tig-P10,000 na tulong pinansiyal na katumbas ng P4.26-M.
Karamihan aniya sa mga natulungan ay ang 130 OFWs na babalik sana ng Hong Kong, 155 OFWs na babalik sana ng China at 40 OFWs na babalik sana ng Macau.
Gayunman, humihingi aniya ng karagdagang tulong ang mga nasabing OFWs dahil kulang ang P10,000 na tulong pinansyal na ibinahagi ng OWWA.
Aminado si Peña na kulang ang pera na ipinapamahagi nila kaya nagsasagawa sila ng iba pang mga programa para matulongan ang mga apektadong OFWs.
Samantala, personal na binisita ni OWWA Deputy Administrator Esther Margaux “Mocha” Uson si Baguio City Mayor Benjamin Magalong kung saan pinag-usapan nila ang mga isyu ng mga OFWs gaya ng pagbibigay ng tulong, partikular ang referral to temporary employment sa mga OFWs na apektado ng mga travel ban dahil sa COVID-19.