Aabot na sa 336,656 health workers ang nabakunahan kontra COVID-19 hanggang noong Marso 20, ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tuloy-tuloy ang operasyon ng 1,623 vaccination sites sa loob ng 17 rehiyon.
Ninety-eight percent o 1,105,600 ng 1,125,600 doses ng bakuna na dumating sa bansa ang naipamahagi na rin sa mga vaccination centers.
Ang mga doses na ito ay binubuo ng 600,000 mula Sinovac at 525,600 mula naman sa AstraZeneca, na pawang mga donasyon mula sa Chinese government at COVAX Facility.
Inaasahan na ngayong buwan ay darating din sa bansa ang 1.4 million pang Sinovac doses at 979,200 AstraZeneca COVID-19 vaccines.
Nauna nang sinabi ng DOH na lahat ng mga hindi nagamit na COVID-19 vaccines hanggang Marso 24 ay ililipat sa mga lugar na matinding tinamaan ng bagong surge ng infections.
Samantala, sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na ang pagbakuna sa general public ay maaring magsimula sa Abril sa oras na mabakunahan na ang 1.7 million health workers.