CEBU – Daan-daang modules ang nabasa matapos na binaha ang Barangay Paknaan, Lungsod ng Mandaue sa Cebu, dahil sa malakas na pag-ulan.
Inihayag ni Paknaan Elementary School Principal Dr. Mary Jean Codiñera na apektado ang kanilang mga estudyante dahil sa hindi inaasahang insidente.
Ayon kay Codiñera, pinalitan naman na nila ang mga nasabing modules at puwede na rin itong makuha ng mga magulang sa paaralan simula kahapon.
Ibibigay na rin ang mga module para sa Week 2.
Nilinaw naman ng school principal na bibigyan ng konsiderasyon ang mga estudyante na apektado ng pagbaha.
Nangangahulugan ito na maaaring ipasa ang kanilang mga module sa susunod pang linggo, imbes na sa darating na Biyernes.
Una nang naglabas ng kautusan para sa mga guro na kailangang may backup modules para na rin sa mga kahalintulad na insidente ng pagbaha.
Kung maaalala, noong araw ng Linggo ay bumuhos ang malakas na ulan, rason na umabot hanggang balikat ang baha sa Mandaue City.