LEGAZPI CITY – Umabot sa 3,168 ang kabuuang bilang ng aspirants sa Bicol na naghain ng kanilang kandidatura sa mga election offices sa rehiyon para sa pagtakbo sa iba’t ibang local positions.
Ito ay mula sa umpisa ng filing ng certificate of candidacy noong Oktubre 1 hanggang kahapon, Oktubre 8.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bicol Regional Elections supervisor Atty. Noli Pipo, karamihan sa mga nagnanais na tumakbo ay kalalakihan na nasa 2,480 at 688 na kababaihan o nasa 21 percent lamang ng kabuuang datos ng nag-file.
Nasa 1,067 na aspirants ang mula sa Camarines Sur, 479 sa Albay, 474 sa Sorsogon, 440 sa Masbate, 369 sa CamNorte at 339 sa Catanduanes.
Samantala, sasalain pa naman umano ito ng law department ng Commission on Elections (Comelec) bago ilagay sa balota, partikular na sa mga posibleng salik na maaaring mauwi sa diskwalipikasyon.
Sakali namang mag-apply sa substitution, hanggang Nobyembre 15 pa at ang lubusang pag-atras sa eleksyon o withdrawal ay isang araw bago ang araw ng halalan.