-- Advertisements --

rally2

Nagsagawa ng prayer rally ang mga supporters ni Albay Governor Noel Rosal, bilang protesta laban sa disqualification order ng Commission on Elections (Comelec).

Tinatayang nasa 20,000 supporters ng gobernador ang nagtipon-tipon sa may Sawangan Parks Legazpi, Albay, hiniling ng mga ito ang pagpapanatili sa pwesto ng opisyal.

Kung maalala, September 2022, dinisqualified ng Comelec si Governor Rosal dahil sa umano’y paglabag sa Omnibus Election Code laban sa pagpapalabas ng pondo ng publiko sa panahon ng 45-araw na campaign spending ban.

Nagsumite naman ng motion for reconsideration si Gobernador Rosal sa Comelec ngunit tinanggihan ito dahil wala silang nakitang kapani-paniwalang dahilan sa pagbaligtad ng kanilang desisyon.

Pagkatapos ay naglabas ng certificate of finality ang Comelec dahil walang utos mula sa Supreme Court (SC) para wakasan ang desisyon.

Ang Comelec First Division, kasama ang Department of Interior and Local Government ay naglabas ng writ of execution para kay Governor Rosal na lisanin ang kanyang puwesto at agad at mapayapang i-turnover ang posisyon kay Albay Vice Governor Edcel Lagman Jr.

Dismayado ang mga supporters ni Governor Rosal sa pangunguna ni Fr. Willy Alvarado SOLT hinggil sa desisyon.

Hiling ng mga supporters ng gobernador sa poll body na dapat i-uphold ang boto ng mga tao.

Si Gov. Noel Rosal ay nakakuha ng 469,481 boto kung saan panalo ito sa dating Governor Al Francis Bichara.

“The Albayanos voted for Governor Rosal, we want Governor Rosal to be our leader. We will not accept the decision of the Comelec, and we will fight for our votes,” pahayag ni Fr. Alvarado.

Ayon sa Pari ang nararamdaman nila ngayon ay tila ninakawan sila ng kanilang boto.

Panawagan ng mga supporters ng gobernador na tulungan sila para hindi matanggal sa pwesto ang gobernador.

Nanindigan naman si Governor Rosal na ang ginawa nilang payout ay bahagi ng programa ng pamahalaang lokal para sa kaniyang mga constituents.

Samantala, naglabas naman ang Supreme Court ng status quo ante order para pigilan ang disqualification ni Mayor Rosal at itinigil din pansamantala ang pag assume ni Rep. Alfredo Garbin sa pwesto.