DAVAO CITY – Tinatayang 202 bahay ang naabo sa sunog sa Muslim Village sa Block 8 at Block 9 ng Barangay Ilang Bunawan District, Lungsod ng Dabaw.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Davao City Fire District, sinadyang sunugin ng isa sa mga residente ng nasabing lugar na nagngangalang Joseph Caymo ang kanilang bahay sa pamamagitan ng pagsaboy ng gasolina bago tuluyang sinilaban.

Dahil sa sobrang magkakadikit ang mga bahay na gawa lamang sa kahoy at iba pang light materials ay madaling nilamon ng apoy ang mga kalapit pa nitong bahay.

Sa kabila ng pagtutulungan ng lahat ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection-Davao at ng mga fire volunteers ng lungsod, umabot pa sa ikalawang alarma ang sunog.

Noong nakaraang taon sa magkahalintulad na panahon ng Ramadan, tinupok din ng apoy ang daan-daang bahay sa parehong lugar na nag-iwan ng mahighit sa dalawang milyong pisong pinsala.

Samantala, agad nagpaabot ng tulong gaya ng pagkain ang city social welfare and development office sa mga nasunugang pamilya.