NAGA CITY – Mahigit 20 katao ang naaresto ng mga otoridad mula sa isang pinaniniwalaang drug den sa Barangay San Agustin, Iriga City.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na nagsagawa ng magkakasunod na search warrant operation ang kapulisan katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency sa mga suspek na sina Baldwin Colarina, Mary Melda Colarina, Sonny Benosa at Joseph Benosa.

Ngunit pagdating sa nasabing lugar, hindi naabutan ang subject na si Baldwin ngunit isinilbi pa rin ng mga otoridad ang search warrant sa pamilya ng suspek..

Dito nakumpiska ang isang sachet ng pinaniniwalaang shabu at mga drug paraphernalia.

Maliban dito, dalawang bahay pa ang sunod na sinilbihan ng kaparehong search warrant ng mga otoridad kung saan ilang sachet ng pinaniniwalaang shabu at marijuana rin ang nakuha kasama ng mga drug paraphernalia.

Samantala, sa gitna ng operasyon ay naabutan ng operating team ang humigit-kumulang sa 20 katao sa parehong lugar na agad ding inaresto.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad habang pinaghahanap pa sina Baldwin at Joseph.