Mahigit 180 locally stranded individuals (LSIs) ang pansamantalang nananatili sa multi-purpose hall ng Philippine Ports Authority (PPA) magmula kahapon.
Ito ay habang hinihintay nilang matapos ang dalawang linggong suspensyon sa biyahe ng mga barko papuntang Regions VI at VIII.
Una rito, tanging sa labas lamang ng Manila North Harbor nagpapalipas ng magdamag ang mga LSI sa nakalipas na mga araw matapos na makansela ang kanilang scheduled boat trips pauwi sa probinsya.
Noong Linggo, ipinag-utos ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang suspensyon ng biyahe ng mga LSI papuntang Negros Occidental at Iloilo sa Region VI at Region VIII sa loob ng dalawang linggo simula Hunyo 28 para maiwasan ang pagkalat pa lalo ng COVID-19.
Sa ngayon, 187 ang kabuuang bilang ng mga LSIs na dinala sa multi-purpose hall ng PPA.
Binibigyan ang mga ito ng libreng pagkain, face masks at vitamins.
Mayroon ding palikuran at elecrticfans sa lugar para matiyak na kumportable ang mga LSIs na dinala doon.