-- Advertisements --

Babalik na sa kanikanilang mga trabaho ang  mahigit 14 million na manggagawa simula bukas, Mayo 16, ayon kay House Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda.

Kaya dapat aniyang paghandaan ng pamahalaan na madagdagan ng 2,500 ang bilang ng COVID-19 cases hanggang sa katapusan ng buwan ng Mayo, base na rin sa impact assessment na kanilang isinagawa sa pagbabago sa quarantine measures.

Sa ilalim ng bagong quarantine regime, sinabi ni Salceda na 14.6 million workers ang babalik sa kanikanilang trabaho, bukod pa sa 27.4 million na kasalukuyang pinahintulutang makapagtrabaho ng onsite.

Aabot naman sa 700,000 manggagawa aniya ang bawal pa ring makabalik sa kanikanilang mga trabaho.

Pagdating naman sa employment impact ng COVID-19, tinataya ni Salceda na 1.09 million manggagawa ang nawalan na ng trabaho, at inaasahang madagdagan pa dahil maraming kompanya ang nalulugi bunsod ng public health crisis.

Mababatid na kamakailan lang ay inanunsyo ng Malacañang na gagawin nang modified ang enhanced community quarantine sa Metro Manila, Laguna at Cebu City habang isasailalim naman sa general community quarantine ang karamihan sa mga nalalabing lugar sa bansa.

Dahil dito, ilang negosyo na rin ang pinahintulutan na makapag-operate muli makalipas ang ilang buwang pagsasara dahil sa lockdown.