-- Advertisements --
image 197

Nakapagtala na naman ang Pilipinas ng mahigit 1,100 na kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon sa Department of Health (DoH), kabuuang 1,153 na bagong kaso ng COVID-19 infections ang naitala ng bansa mula sa dating 810 noong nakaraang araw.

Base sa pinakahuling dayos mula sa DoH, ang active case ay bumaba naman sa 18,467 mula sa 18,824.

Dahil sa panibagong kaso ng nakamamatay na virus ay pumalo na ang nationwide caseload sa 4,022,127.

Sinabi rin ng health department na nasa 1,510 na pasyente ang nakarekober sa sakit kaya umakyat na rin sa 3,939,219 ang kabuuang bilang ng mga nakarekober sa sakit.

Ang death toll ay umakyat na rin sa 64,441 matapos maitala ang bagong siyam na namatay.

Samantala, sa nakalipas na dalawang linggo, ang National Capital Region (NCR) pa rin ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso sa loob ng dalawang linggo na mayroong 2,996 na sinundan ng Calabarzon na mayroong 1,765, Western Visayas na mayroong 1,377, Central Luzon na mayroong 1,048 at Central Visayas na mayroong 941.