-- Advertisements --

Nasa kabuuang 111 ang naitalang volcanic earthquake activities sa Taal volcano sa loob ng magdamag.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), kabilang na rito ang 26 volcanic tremor events na nagtagal daw ng isang minuto sa mismong bulkang Taal.

Sa ngayon, nagpapakita raw ang bulkan ng moderate level ng volcanic unrest matapos obserbahan sa loob ng 24 oras.

Ito na ang pinakamaraming naitalang volcanic earthquakes ngayong buwan matapos ang 103 data noong October 30.

Nakapagtala rin ang Taal volcano ng kabuuang 11,435 tonnes ng sulfur dioxide (SO2) mula kahapon at nakapagtala rin ng tinatawag na “voluminous” plumes sa taas na 1,500 meters, southwest.

Sa ngayon, nakataas sa Alert Level 2 ang bulkan kaya patuloy na pinaaalalahanan ng Phivolcs na bawal pa rin ang pagpasok sa Taal Volcano Island na nasa ilalim ng Permanent Danger Zone (PDZ).

Ipinagbabawal din ang pamamangka sa Taal Lake at ang pagpapalipad ng aircraft malapit sa bulkan.