VIGAN CITY – Nasa kustodiya ng Ilocos Sur Provincial Quarantine Office ang mahigit sa 100 kilo ng meat products na ipapasok sana sa lalawigan kahapon ng umaga, October 14.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, ang produkto partikular na ang mga longganisa ay isinakay sa isang kurong-kurong o tricycle na minamaneho ng isang Rommel Sobremonte Bucsit, 32–anyos na residente ng Barangay Legleg, Bacnotan, La Union.

Napag-alaman na ang mga nasabing produkto ay pagmamay-ari ng nagngangalang Wilma Vega Padua, 46-anyos na residente ng Barangay Cabaroan, Bacnotan, La Union, na kasama ni Bucsit nang masita sila sa provincial quarantine checkpoint sa Barangay Bio, Tagudin, Ilocos Sur.

Kung maaalala, isa ang lalawigan sa mga lugar na naghigpit ng quarantine checkpoints mula nang makumpirmang nakapasok na sa bansa ang African swine fever (ASF) virus.

Sa ngayon, nakatakdang maipasakamay sa Provincial Veterinary Office ang mga nakumpiskang meat products para sa proper disposition ng mga ito.