Patay ang isang high profile inmate matapos pagbabarilin 9:00 ng umaga nitong Lunes sa Brgy. La mesa, Calamba, Laguna.

Ililipat lang sana ng kulungan ang nasabing preso pero tinambangan ito.

Kinilala ang nasawing preso na si Joshi Tarun na may kasong serious illegal detention at kidnap for ransom.

Ayon kay PCol Eleazar Mata, Provincial Police Director ng Laguna, hinarang ang BJMP vehicle ng nasa 5 armadong lalaki pagdating sa Bypass road.

Dagdag pa ni Mata, may kasamang 2 BJMP officers ang high profile inmate nang mangyari ang ambush na hindi naman na nakaganti ng putok ng baril dahil sa bilis nang pangyayari.

Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang krimen.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis hinggil sa insidente.