Kinumpirma ng MVP Sports Foundation (MVPSF) chairman na si Manny V. Pangilinan na naideposito na nila sa account ni Hidilyn Diaz ang P10 milyon na cash incentive.
Ito ang pangakong financial reward ng MVP Foundation para sa Olympic gold medalist.
Lubos naman ang pasasalamat ng 30-anyos na Pinay weightlifter sa unang regalo na kaniyang natanggap mula kay Pangilinan.
Ayon sa “golden girl,” malaking bagay ang nasabing halaga dahil sa dami ng kaniyang mga pinagdaanan noong nakaraang mga taon.
Sa panig naman ni Pangilinan, sasagutin niya ang pagbiyahe ng pamilya ni Hidilyn patungo sa Maynila mula sa Zamboanga para agad na nitong makapiling ang mga ito.
Magugunitang isa lamang si Pangilinan sa mga magbibigay ng cash incentives kay Diaz kasunod ng tagumpay sa Tokyo Olympics.
Bukod pa ito sa nakasaad sa batas na lahat ng mga atletang magwawagi ng medalya sa anumang international sporting events ay gagawaran ng monetary reward.